Friday, July 9, 2021

Pagsusuri ng Aklat


Captives: Britain, Empire and the World 1600-1850

May akda: Linda Colley

Pahina: 438

Palimbagan: Random House Publishing London

Taon: 2003

ISBN 0-7126-6528-5

Mula sa pamosong aklat na Gulliver’s Travels kung saan ang karakter ay Ingles at naging captives o bihag sa isang lugar na kung tawagin ay Liliput, ang pinagkunan ng ideya ni Linda Colley upang isulat ang aklat na sa tingin ko ay malaking ambag sa historyograpiya ng Inglatera. Kakaiba ito sa mga nauna ko nang nabasang aklat na ang tema ay pulitikal gaya ng A History of Britain ni Simon Schama, New World Lost World ni Susan Bridges at marami pang iba. Ito ay masasabi kong social history ang tema sapagkat tumatalakay ito sa mga karanasan ng mga captives na Ingels sa ibat-ibang lugar sa mundo. Sa kanilang salaysay mahihinuha kung paano lumaki at lumawak ang British Empire mula 1600. Hindi ito tungkol sa mga binalangkas na batas o utos ng Reyna at hari ng Britanya, bagkus mga personal na karanasan ng mga tao at kung paano ito nakatulong ng malaki sa paglawak na sakop ng Imperyo.

       

Sinimulan ang pundasyon ng kwento sa pagbibigay halaga sa paggamit ng mapa bilang simbulo ng kapangyarihan. Ang lawak ng imperyo ng Britanya ay hindi lang pagpapakita sa tayug ng tagumpay nito sa pagiging imperyalista, bagkus, bilang mag-aaral ng kasaysayan ay maari ring tignan bilang isang malawak na lupain na mapagkukunan ng batis sa paglalahad ng kasaysayan.  Ang tanong na bakit sa kabila ng maliit na sukat nito ay nagawa nitong mapalawak ang imperyo na aabot hanggang sa pasipiko? Demograpiya aniya ang isa sa dahilan;  at dahil marami ang taong nagpahayag ng kanilang karanasan, maraming batis ang maaring gamitin sa pagsulat ng kasaysayan.

Kakaiba ang Captives sapagkat gumamit ito ng mga batis na kakaiba sa ibang aklat ng kasaysayan. Ang mga kwento ng pagkakadakip at kanilang naranasang hirap man o sarap sa ibang ibang bahagi ng mundo ay tila pag bubukas ng panibagong pag-aaral kung saan ang mga batis ay hindi na nagagamit ng ibang historyador.  Hinati niya sa tatlong bahagi ang salaysay- sa Mediterranean, kung saan unang nagtangkang mangolonya ang Britanya at bagamat hindi ganoon ka laki ang nasakop ay masasabing matagumpay parin ito; ang Amerika kung saan nasubok ang kapangyarihan nito dahil rebolusyon ng mga mamamayan na nooy hindi pa nabubuong pagkakakilanlan na tatawagin ngayong Amerikano; ang India kung saan pinaka malaki ang naging ambag hindi lang sa teritoryo at karangalan ng Imperyo kundi ang pang-ekonomiyang benipisyo nito. Tila sinasabi ni Colley na bago narating ng Inglatera (kasalukuyan ay United Kingdom) ang pagiging magaling na Imperyo ay dumanas muna ng malaking hirap at sakripisyo ang mga mamayan nito. Ang paglaki ng impero at pag-unlad ng bansa ay tila isang long duree (pasintabi kay Braudel pero ito ang naisip kong termino) at hindi makukuha ng 3-6 months gaya ng pangako ng pulitiko. At hindi rin nakukuha ng hindi nasasakripiyo ang mga mamayan.  Ang mga kagimbal-gimbal na karanasan sa ibat-bang lugar kung saan nadakip ang mga Ingles ay patunay nito. Kumbaga, ito ay kolektibong hakbang hindi lamang ng pahalaan.  Sa aklat ipinakita ang malaking ambag ng mga mamamayan.      

Ito ay magandang halimbawa ng pagsulat ng kasaysayan at paggamit ng batis na bago ngunit posible ba ito sa Pilipinas?  Sa pagkaunawa ko sa batis na kaniyang ginamit ay mula ito sa mga na ipalimbag na mga personal na karanasan ng mga ordinaryong tao,  na matapos  makaranas ng pagkakadakip sa mga teritoryo sa labas ng Inglatera ay ibinahagi nila ito sa kanilang mga kalahi. Sa Pilipinas, bibihira ang nagpapalimbag ng kanilang karanasan hinggil sa pangyayari sa kanilang buhay, maliban na lamang kung sila ay pamoso o may pera pampalimbag ng kanilang mga karanasan.  Ano ang pwede nating matutunan hinggil dito? Na may mga pangyayari sa kasaysayan na maaring ilahad hindi lamang ng isang pamosong tao kundi ng mga ordinaryong tao rin na nakasaksi sa kasaysayan. Halimbawa, maaring gumamit ng talaaarawan, liham o mismong panayam (oral history) para marinig ang tinig ng mga walang pangalang mamayan ngunit saksi sa pangyayari .

PS: Sinandya kong maikli ang pagsusuri upang hindi kayo mabagot at basahin nalang ang mismong aklat.  Marami akong nabasang aklat ngayong panahon ng pandemya at babalikan ko upang maibahagi sa inyo sa pamamagitan ng maikling pagsusuri tulad nito.  Pakiusap, huwag I-copy paste lang at gamiting book review sa klase. Pwede i credit ako sa foot note. Magbasa.