May akda: Linda
Colley
Pahina: 438
Palimbagan:
Random House Publishing London
Taon: 2003
ISBN
0-7126-6528-5
Mula sa pamosong aklat na Gulliver’s Travels kung saan ang karakter ay Ingles at naging captives o bihag sa isang lugar na kung tawagin ay Liliput, ang pinagkunan ng ideya ni Linda Colley upang isulat ang aklat na sa tingin ko ay malaking ambag sa historyograpiya ng Inglatera. Kakaiba ito sa mga nauna ko nang nabasang aklat na ang tema ay pulitikal gaya ng A History of Britain ni Simon Schama, New World Lost World ni Susan Bridges at marami pang iba. Ito ay masasabi kong social history ang tema sapagkat tumatalakay ito sa mga karanasan ng mga captives na Ingels sa ibat-ibang lugar sa mundo. Sa kanilang salaysay mahihinuha kung paano lumaki at lumawak ang British Empire mula 1600. Hindi ito tungkol sa mga binalangkas na batas o utos ng Reyna at hari ng Britanya, bagkus mga personal na karanasan ng mga tao at kung paano ito nakatulong ng malaki sa paglawak na sakop ng Imperyo.
Sinimulan
ang pundasyon ng kwento sa pagbibigay halaga sa paggamit ng mapa bilang simbulo
ng kapangyarihan. Ang lawak ng imperyo ng Britanya ay hindi lang pagpapakita sa
tayug ng tagumpay nito sa pagiging imperyalista, bagkus, bilang mag-aaral ng
kasaysayan ay maari ring tignan bilang isang malawak na lupain na mapagkukunan
ng batis sa paglalahad ng kasaysayan.
Ang tanong na bakit sa kabila ng maliit na sukat nito ay nagawa nitong
mapalawak ang imperyo na aabot hanggang sa pasipiko? Demograpiya aniya ang isa
sa dahilan; at dahil marami ang taong
nagpahayag ng kanilang karanasan, maraming batis ang maaring gamitin sa
pagsulat ng kasaysayan.
Kakaiba ang
Captives sapagkat gumamit ito ng mga
batis na kakaiba sa ibang aklat ng kasaysayan. Ang mga kwento ng pagkakadakip
at kanilang naranasang hirap man o sarap sa ibang ibang bahagi ng mundo ay tila
pag bubukas ng panibagong pag-aaral kung saan ang mga batis ay hindi na
nagagamit ng ibang historyador. Hinati
niya sa tatlong bahagi ang salaysay- sa Mediterranean, kung saan unang
nagtangkang mangolonya ang Britanya at bagamat hindi ganoon ka laki ang nasakop
ay masasabing matagumpay parin ito; ang Amerika kung saan nasubok ang
kapangyarihan nito dahil rebolusyon ng mga mamamayan na nooy hindi pa nabubuong
pagkakakilanlan na tatawagin ngayong Amerikano; ang India kung saan pinaka
malaki ang naging ambag hindi lang sa teritoryo at karangalan ng Imperyo kundi
ang pang-ekonomiyang benipisyo nito. Tila sinasabi ni Colley na bago narating
ng Inglatera (kasalukuyan ay United Kingdom) ang pagiging magaling na Imperyo
ay dumanas muna ng malaking hirap at sakripisyo ang mga mamayan nito. Ang
paglaki ng impero at pag-unlad ng bansa ay tila isang long duree (pasintabi kay Braudel pero ito ang naisip kong termino)
at hindi makukuha ng 3-6 months gaya ng
pangako ng pulitiko. At hindi rin nakukuha ng hindi nasasakripiyo ang mga
mamayan. Ang mga kagimbal-gimbal na
karanasan sa ibat-bang lugar kung saan nadakip ang mga Ingles ay patunay nito.
Kumbaga, ito ay kolektibong hakbang hindi lamang ng pahalaan. Sa aklat ipinakita ang malaking ambag ng mga
mamamayan.
Ito ay
magandang halimbawa ng pagsulat ng kasaysayan at paggamit ng batis na bago
ngunit posible ba ito sa Pilipinas? Sa
pagkaunawa ko sa batis na kaniyang ginamit ay mula ito sa mga na ipalimbag na
mga personal na karanasan ng mga ordinaryong tao, na matapos
makaranas ng pagkakadakip sa mga teritoryo sa labas ng Inglatera ay
ibinahagi nila ito sa kanilang mga kalahi. Sa Pilipinas, bibihira ang
nagpapalimbag ng kanilang karanasan hinggil sa pangyayari sa kanilang buhay,
maliban na lamang kung sila ay pamoso o may pera pampalimbag ng kanilang mga
karanasan. Ano ang pwede nating
matutunan hinggil dito? Na may mga pangyayari sa kasaysayan na maaring ilahad
hindi lamang ng isang pamosong tao kundi ng mga ordinaryong tao rin na
nakasaksi sa kasaysayan. Halimbawa, maaring gumamit ng talaaarawan, liham o
mismong panayam (oral history) para marinig ang tinig ng mga walang pangalang
mamayan ngunit saksi sa pangyayari .
PS:
Sinandya kong maikli ang pagsusuri upang hindi kayo mabagot at basahin nalang
ang mismong aklat. Marami akong nabasang
aklat ngayong panahon ng pandemya at babalikan ko upang maibahagi sa inyo sa pamamagitan
ng maikling pagsusuri tulad nito. Pakiusap, huwag I-copy paste lang at gamiting book
review sa klase. Pwede i credit ako sa foot note. Magbasa.
No comments:
Post a Comment