Saturday, October 24, 2020

Article : Mga Suliranin ng Isang Mag-aaral ng Kasaysayan Hinggil sa Pananaliksik

Note: Nais kong ibahagi ang aking sanaysay na ipinasa ko bilang term paper sa isang asignatura sa aking Masterado sa Kasaysayan. Ito ay problema na sana ay matugunan ng pansin. ito ay naisulat Agosto 2019.

 

Panimula: Ang Kataas-taasang Hukuman o Korte Suprema at Ang Panahon ng Batas-Militar

 

Bago pa man ako tumuntong bilang mag-aaral sa Gwadradong antas ng Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Departamento ng Kasaysayan ay naging interesado ako sa pagsusulat hinggil sa panahon ng Batas Militar at ang pangunahing instituyson ng bansa, ang Kataas-taasang Hukuman o Korte Suprema. Mahalaga para sa akin ang panahon ng Batas-Militar dahil sa mga maling impormasyong kumakalat ngayon sa social media, lalo na sa facebook na madalas gamitin ng mga kasalukuyang kabataan or millenials bilang kanilang sanggunian, kahit hindi ito nararapat. Maging ang mga nagkalat na impormasyon sa internet, sa pamamagitan ng google search ay kakikitaan din ng mga maling impormasyon hinggil sa nasabing panahon ng ating kasaysayan.

Ang Korte Suprema naman, bilang aking pinaka interes na paksa sapagkat iilan lamang ang sumusulat sa kasaysayan ng Korte Supreme. Mahaba ang kasaysayan ng Korte Suprema, mula panahon ng mga Kastila sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, marami ang maaring maisulat hinggil sa nasabing intitusyon.

Ilan sa aking mga sinulat na suliraninsik hinggil sa panahon ng batas military ay ang:

1.    Development of Ortigas Center: From a Mandaloyon Estate to a Financial District (1960-2000)” (Term paper in KAS 199. The Research Paper. May 2014.) ito ay ukol sa kung paano na buo ang Ortigas Center sa panahon na nakapaloob ang Batas-Militar. Dito natalakay na upang mabuo ang Ortigas Center, malaki ang ambag ng pamahalaan magmula sa kalsada hanggang sa ilang mga suliranin upang ito ay maitatag. Sa kasalukuyan, ito ay isa sa pinaka maunlad na luga sa Metro Manila at sentro ng komersyo sa pagitan ng Mandaluyong at Lungsod Quezon.

2.    “Squatter Resettlement sa Sapang Palay, San Jose del Monte, Bulacan sa panahon ng Rehimeng Marcos (1972-1986)” (Term Paper KAS 325 Post War Problem. November 28, 2014).  Bago pa man ideklara ang Batas Militar ay may panukalang batas ukol sa paglipat ng mga iskwater sa kalakhang Maynila tungo sa Sapang Palay. Ipinagpatuloy ito ng diktadurang Marcos ngunit kinakitaan ng maraming suliranin.

3.    “History of the Cagayan Province During Martial Law” (Term paper sa KAS 10 Introduction to History. Iprinisinta bilang papel sa National Conference on Local and Oral History ng PUP Sta. Mesa, Manila. September 6th 2014). na kung saan kinailangan kong magtungo sa Kapulungan ng mga Kinatawaan para sa mga batis. Ito ay ukol sa panahon kung  paano ang mga mamayan ng Cagayan ay tumugon sa mga hamon ng Batas Militar sa Probinsya.

Ang mga sinaliksik ko naman hinggil sa Korte Suprema ay ang aking undergrad thesis na “Ang Implikasyon ng Desisyon ng Korte Suprema sa People of the Philippines v Evanglista et al Na Nag-ambag sa Kasaysayan ng Pilipinas” (Undergrad thesis in PUP Sta. Mesa.  Co-Author. 2010.) “Enters A New Era: The Supreme Court on the Commonwealth of the Philippines: (1935-1941)” (Term paper sa KAS 205: The Commonwealth of the Philippines, 1935-1946. December 2014.); “The High Court in captivity: The Supreme Court of the Philippines During The Japanese Occupation” (Term paper sa KAS 320 The Japanese Occupation. May 2014.) Kasalukuyan kong sinusulat ang “Ang Korte Suprema Sa Kaso ng Javellan Vs. Executive Secretary“ para sa aking tisis pang Masterado. 

 

Periodization o Pagsasapanahon

 

            Bago tayo tumungo sa problema ng aking pananaliksik, mahalagang alamin muna kung ano ang mga panahon na nagkaroon ng problema at bakit ito mahalaga sa pagsusulat ng kasaysayan hinggil sa Batas Militar at Korte Suprema. Ang mga panahon mula 1971 hanggang sa bago matapos ang Setyembre 1972 o mga unang linggo bago ideklara ang batas militar ay mahalagang alamin ang mga pangyayari sapgakat ito ang pinaka pundasyon ng mga pangyayari tungo sa pagdedeklara ng Batas Militar. Halimbawa sa pag-aaral ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may mga pangyayari bago ang deklarayson ng digmaan na siyang dahilan upang ito ay maganap.[1] Ganoon din sa kaso ng panahon ng Batas Militar.  Ika nga, hindi natin maiintindihan ang kasalukuyan kung hindi natin uunawain ang nakaraan, mag bagay bago ang kasalukuyan.

 

Problema sa Pananaliksik

 

            Ipinagpapalagay ng iilan na madali lamang sumulat ng kasaysayan hinggil sa panahon ng Batas Militar sapagkat nagkalat sa mga aklatan ng bawat instituyson at pamantasan ang mga batis hinggil dito. Ngunit sa katotohanan ay may mga suliranin akong kinaharap bilang mananaliksik na nasabing panahong ito ng ating kasaysayan.

            Setyembre 21, 1972, tila huminto ang lahat sa araw na ito. Ang mga dating pahayagan na araw-araw ay nababasa ng mga Pilipino ay nawala at napalitan ng isang pahayagang nasa ilalim ng sensura, ang Daily Express.[2] Ipinasara ang radio at telebisyon na nag-uulat ng mga pangyayari sa bansa. Sa isang manunulat at mag-aaral ng kasaysayan, bukod sa interview o oral history, paano mo alalamin ang mga naganap sa nakalipas kung ang bawat dokumento na iyong makikita ay kontrolado ng pamahalaan? Dito magsisimula ang paghahanap ko ng mga dokumentong makatutulong sa makatotohanang paglalahad ng nakaraan.

 

 

Mga Unti-unting Nawawalang Batis

 

 

Ang Aklatan ng UP Diliman College of Law

           

Kamangha mangha ang aklatan ng College of Law na matatagpuan sa ikatlong palapag ng mismong gusali nito. Bukod sa malinis at malamig dahil sa airconditioned ito ay hindi ka muubusan ng mesa at silya upang magamit sa pagbabasa ng mga aklat o sa anu pa mang pang akademikong gawain ng isang mag-aaral. Sa kasalukuyan, humigit kumulang ilang libo ang koleksyon nito. Ang mga aklat dito ay mainam sa pag-aaral hindi lamang sa aspektong batas kundi sa kasaysayan ng batas sa Pilipinas. 

Una kong nakita ng mga dokumento hinggil sa Plebiscite Cases Oktubre, 2016 sa aklatang ito sapamamagitan ng OPAC[3]. Ito ay apat na tomo na pinagsama-samang dokumento hinggil sa nasabing isyu na nag mula sa Office of the Solicitor General. Sa OPAC ng UP Main Library, ito ay mag serial number na KF 5619.3 s96. Ayon sa OPAC, dalawang library ng UP ang may kopya nito. Una, ang UP Collge of Law. Pangalawa ang UP Main Library. Dahil mas mura ang photocopy sa UP Collge of Law doon ako unang nagtungo. Sa tulong ng mga bibliyotekaryo ay hinanap namin ang kopya ngunit sa kasawiang palad ay wala ang limang tomo ng mga dokumento. Sinubukan kong alamin kung nasa reserved section ng College of Law Library ngunit wala din. Ultimo ang mga bibliyotekaryo ay gulat-na gulat nang hindi Makita ang apat na tomo na librong ito. Mabuti na lamang at kumpleto pa ang nasa UP Main Library.

Ayon sa mga bibliyotekaryo ng CL Library ay maaring nawala o maaring hindi pa naipo-proseso ang mga nasabing libro sa kadahilanang magpasa hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ang pagsasaaayos ng mga aklat sa nasabing aklatan. Hanggang sa sinusulat ko ang papel na ito ay hindi parin natatagpuan ang ikalawang kopya ng nasabing aklat. Nangako sila na bibigyan nila ako kaagad ng impormasyon sakaling mahanap na ang mga aklat. Ang naka aalarma dito ay ang natitirang kopya sa Main Library, huwag naman sana kung sakali ay mawala ay hindi kalian mababasa ang mga dokumentong ito ng mga susunod na henerasyon.    

 

Ang Artsibo ng Kapulungan ng mga Kinatawan

 

Sa loob ng mahigit 100 taon ng Kongreso bilang kagawarang tagapagpabatas ng Pilipinas ay marami na itong naipasang batas, naisagawang mga sesyon at pagdinig ng kumite. Lahat ng ito ay nakapalimbag sa mga tala. Ang pamagat ng aklat na ito ay Congressional Records (para sa mga taong 1945-1971)[4] at Records of the Batasan (1978-1985). Ang lahat ng ito ay makikita sa Congressional Library sa loob ng gusali ng Kapulungang ng Mga Kinatawan na matatagpuan sa Ramon Mitra Building Annex, Batasan Complex, Lungsod Quezon. Malawak at malaki ang koleksyon ng Congressional Library na may isang palapag at malawak na lugar upang magsaliksik.

 

Congressional Records

 

Lamang sa paghahanap ko ng mga tala ng Kongreso mula Enero 1972 hanggang sa mga  huling araw bago ang deklarasyon ng Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre, 1972 ay hindi na pala naipalimbag ang mga talang ito. Ayon sa aklatan ng mga Kapulungan ng mga Kinatawan sa Lungsod ng Quezon, ang lahat ng mga tala ay nasa sipunpan na kasalukuyang kongreso, ang Legislative Archives. Ito ay matatagpuan sa groud floor ng Main Building.

Hindi lamang ang panahon bago ang Batas Militar ang hindi naipalimbag sa taunang Congressional Records. Matatandaan na ang Pilipinas, sa ilalim ng Saligang-Batas 1973, ang Batasang Pambansa ang magsisilibing lehislatura sa ilalim ng isang Parlyamentaryong pamahalaan. Ang mga sesyon ng Batasang Pambansa mula Enero 1896 hangang Pebrero ay hindi na rin naipalimbag dahil dinatnan ng EDSA People Power Revolution.(ito ang nabanggit nang Records of the Batasan).[5]

Ang mga hindi naiplimbag na mga dokumento ay tila baga bungi sa mga naipalimbag na tala ng buong panahon ng ehekutibo. Ngunit saan nga ba napunta ang mga tala sa panahong ito? Mabuti na lamang at ang mga ito ay inaalagaan sa pamamagitan ng Legistive Archives.

Sa loob ng legislative archives ay isang malaking silid ng may tone-toneladang dokumento hinggil sa Kongreso. Naka silid ito sa isang tagalupi at may numero. Ang bawat tagalupi ay naka silid sa isang kahon na may numero at ang bawat kahon naman ay naka pila sa isang shelves na may numero din. Duon ko nakita ang mga dikumentong kailangan para sa aking sinasaliksik. Kailangan ko ngayong isa-isahin ang bawat dokumento at buin bilang isang Congressional Records. Nasa galing na ng historyador kung paano niya bibigyan ng pag-aanalisa ang bawat dokumento.

 

Mga Pahayagan Bago at Pagkadeklara ng Batas-Militar: Ang Serial Section ng UP Main Library

 

Gaya ng una kong nabanggit, matapos ideklara ang Batas-Militar ni Pangulong Ferdinand Marcos ay ang tanging panahayag na umiral sa bansa ay ang Daily Express na itinatag ni Marcos sa pamamgitan ng noo’y Ambasador sa Japan Roberto S. Benidicto noong May 7, 1972. Ang pahayagang ito ang nag-iisang pinayagang maglathala ng mga balita ngunit sa ilalim ng superbisyon ng pamahalaan. Ito rin ang naging makinarya ng diktadura para sa kanilang propaganda.[6] Ngunit mahalagang alamin kung ano ba ang mag naganap bago at habang nasa ilalim ang bansa sa panahong ito. Subalit isang problema ang aking kinaharap pag dating sa mga pahayagan na koleksyon ng aklatan ng pamantasan.

Ang Serial Section ng UP Main Library ay matatagpuan sa ikalawang palapag nito. Sa unang palapag naman makikita ang mga microfilm section. Ang mga pahayagan ay isina proseso bilang microfilm upang mabasa ng mga mag-aaral. Upang magkaroong ng karapatan sa paggamit sa microfilm section ay kailangan mong alamin ang MCF number nito. Maaring gamitin ang OPAC ngunit mas mainam ang mismong aklat na kinapapalooban ng lahat ng koleksyong ng microfilm. Ito ay mahihiram sa serial section bago mo mahiram ang mismong microfilm. Ang pamagat ng aklat ay Serials in Microfilm[7]. Ang pinaka updated na bersyon nito ay naipalimbag taong 2011.

Ayon kay Gng. Judith M. Pangilinan ang Pinuno ng Bibliyotekaryo ng Serial Section ng UP University Library, nakahiwalay na sangay noon ang koleksyon ng microfilm section sapamamagitan ng Multi Media Services. Ngunit sa kalukuyan, dahil umano sa limitadong budget ay inisa nalamang ang Multi Media Services at iba pang sangay na ngayon ay Information Services and Instruction.[8]

Ayon kay Juan Ponce Enrile, na noong Kalihim ng Pambansang Tanggulan ng bansa ay may sampung pahayagan na umiikot sa serkulasyon sa bansa. Ang The Manila Times, Banahaw Tributune, Liwayway, Manila Bulletin, Manila Chronicle, Manila Times, Philippine Free Press, Philippine Herald.[9]

Ang Banahaw Tribune ay may April, May, June, July, August at December 1975 at  January hanggang August 1976 sa isang Microfilm No. MCF 11495 (1975-1976) lamang na koleksyon. Ang Liwayway ay may koleksyon sa taong 1921 (hindi kumpleto) hanggang Enero 1972.  Ang panahon mula Pebrero hanggang Disyembre 1972 ay walang kopya. Lalaktaw ang koleksyon sa Enero 1973 na. Dito narin matatapos ang buong koleksyon ng Liwayway sa serial section ng UP Main Library.

Ang Manila Bulletin naman na may koleksyon mula 1900 (hindi kumpleto) ngunit wala ang buwan ng Setyembre 1972. Alam na natin na itinigil ang pagimprenta nito noong deklarasyon ni Marcos ng Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Ngunit ang mga panahon mula Setyembre 1 hangang 20 ay walang kopya.

Ang Manila Chronicle na kilalang kritiko ng administrasyon at pagmamay-ari ng pamilya Lopez ay may mahalaga sanang maiiambag sa mga pangyayari noong 1972 ngunit ang kopya ay hanggang 1961 lamang. May iilang kopya ng 1970 sapmamagitan ng special supplement Enero hanggang Agosto. Ilang pahina ng kasaysayan mula 1962 hanggang 1969 at 1971-172 ang wala na sanay mababasa ng mga mag-aaral ng kasaysayan sa pamantasan.

Ano nga ba ang nangyari sa mga nawawalang microfilm? Ayon kay Ginoong Liberto C. Javier, Administrative Assistant V ng Multi Media Services Microfilm Section sa dalawang kadahilanan:

1. Maaring wala talagang kopya ang mga taon na nawawala sa koleksyon ng microfilm.

2.  Taong 2007-2008 ay nasira ang aiconditioning system ng Media Services, dahilan upang magkaroon ng umano ng tinatawag na vinegar syndrome  ang mga kopya ng microfilm. Dahil dito tuluyan nangang nasira ang mga kopya. Taong 2013 nang huli silang mag tala at aniya ang lahat ng master copy ay tuluyan ng nasira at iilang service copy nalang ang natira.

Taong 2013 ng sinimulang ilipat sa pamamagitan ng scanning process ang mga natitirang microfilm. Sa kasamaang palad, hindi natapos ang proseso sapagkat nasira ang scanner ng media services.  Sa kasalukuyan, ang mga koleksyon mula 2013 ay pinaplano nang gawan ng digital copy.

 

Mga Hindi Magkakatugmang Batis Hinggil sa Panahon ng Batas-Militar

 

Sa pag-aaral ng kasaysayan, hindi nabago ang hindi magkakatugmang salaysay hingil sa isang mahalagang pangyayari. Ito ay sa kadahilanang may iba-ibang batis sa pagsulat ng kasaysayn ang kung minsa’y hindi magkakatugma. Minsan pa, nagagamit ang hindi magkakatugmang  batis na ito upang maipanday ang isang ideolohiy o politikal na perspektiba ng isang historyador. Isa sa naging problema ko sa pagsulat ng ukol sa kasaysayan ng Batas Militar ay ang hindi magkakatugmang pahayag ng mga pangunahing may partisipasyon sa panahong ito. Isa sa mga ito ang kwento ni Juan Ponce Enrile.

Si Juan Ponce Enrile ay itinuturing noon ni Senador Benigno Aquino na utak sa pagbuo ng deklarasyon ng Batas Militar ni Marcos. Dating Justice at Defense Secretary ni Pangulong Marcos mula 1968 hanggang sa tumiwalag ito sa administrasyon at nagsagawa ng bigong kudeta noong 1986. Matapos ay pinamunuan ang pag-aaklas na ngayon at EDSA People Power Revolution noong Pebrero 1986.

Gabi ng Ika-22 ng Setyembre, tinambangan ang sasakyan ng nooy kalihim ng Tanggulang Pambansa at kinabukasan, lumabas si Marcos sa telebisyon at isa sa mga dahilan ng kaniyang Batas Militar ay ang  pananambang na iyon. Ngunit ito ay gawa-gawa lamang.  Aaminin ito ni Enrile kalaunan.[10] Matapos ang ilang dekada ay magbabago nanaman siya ng pahayag at sasabihing totoo ito. Nakapagtataka man ngunit Ayon sa aklata ni Juan Ponce Enrile na “Juan Ponce Enrile: A Memoir”:

“After the 1986 Edsa Revolution my political enemies claimed that I faked my own ambush to justify the imposition of martial law. This is a lie that has gun around for far too long such that it has acquired acceptance as the “truth”. This accusation is ridiculous and preposterous.

 

What would I have faked my ambush for? When it happened, the military operation to impose martial law was already going on. I have already delivered proclamation 1081 and all General Orders and Letters of Instructions to the military leaders. I had already ordered them to proceed with the military operation that carried out the order of President Marcos to place the country under martial law.

 

In fact, when ambushed happened, I was already on my way home. Whether I was ambushed or not, martial law in the country was already an irreversible fact. So, what was the need for me to fake my own ambush?”

Binigyan niya ng rason kung bakit umano sinasabi ng kaniyang mga kritiko na pineke niya ang kaniyang ambush.

But I surmise that, apart from the deliberate and continued attempts of my enemies to portray me as the darkest and most evil person, many people have found the yarn easy to believe out of sheer ignorance of the actual sequence of events and circumstances prior to President Marcos public announcement that the country had been place under martial rule.[11]

Ngunit ito ay tataliwas na sa mga historyador at manunulat ng kasaysayan ukol sa Batas Militar. Ang susunod ay halimbawa na iba o salungat sa sinabi ni Enrile sa kaniyang Memoir.

Ayon kay Ken Fuller na sumulat ng A Movement Divided: Philippine Communism, 1957-1986, ikalawang aklat hinggil sa pagbuo ng kumunismo sa Pilipinas:

“In September 1972, Marcos used the NPA, the 1971 bombing of the Liberal Party rally in Plaza Miranda, and a number of other factors (such as a staged on the life of defense secretary Juan Ponce Enrile) as a pretext to the declaration of Martial Law.)”[12] (Italicized is mine)

 

Sa aklat na Date Line Manila ng Foreign Correspondents Association of the Philippines na bunubuo ng mga personal na tala ng mga mamamhayag hinggil sa isang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa isang personal na salaysay ni Gil H.A. Santos ukol sa deklarasyon ng Batas Militar aniya:

 

“Mrs. Marcos arrival around 10 p.m. stopped the film showing. She engaged us in a small talk before she begun to unravel the “leftist plot to overthrow the government at the expense of the poor Filipino people.” It was nothing new since she was echoing what Marcos has been saying about the Sison-led NPA, the Kabataang Makabayan, and the Moro separatist movement.

 

At almost midnight, her personal photographer Marcelino Roxas (a former AP Photographer) approached her and whispered, “ Ma’am, the President wants you to return to the Palace.” She stood and apologized for leaving. Roxas pulled me aside to say, “(Defense Minister Juan Ponce) Enrile has been ambushed in Wack Wack.”

 

I phone my office where Bobby de la Cruz and George Reyes were on duty as night editors. They already had the story. Somebody from the Mandaluyong police “tipped” our desk about it, confirmed by a check with Enrile’s Camp Aguinaldo Office. (Enrile admitted later that the ambush was staged to justify the imposition of martial law. Senators Benigno Aquino, Jovito Salonga, Representative Salipada Pendatum, Delfin Montano and Mariano Acuna had been warning that martial law would be imposed “soon.”)[13]

 

Ayon naman kay Mark A. Thompson sa kaniyang aklat na The Anti-Marcos Struggle: Personalistic Rule and Democratic Translation in the Philippines:

 

“By further polarizing the political climate, the opposition played into Marco’s hands. After blaming the opposition for demonstrations, Marcos started funding student groups of his own. He wrote in his diary the he hoped such protest would continued “so that we could employ the total solution.” He consistently exaggerated the threat that Marxist and Islamic rebels posed to the government. His agents had infiltrated the assassination conspiracy, and later used their information to extort properties from wealthy enemies. Several intelligence officials have attributed to Marcos a series of bombings that occurred in the Manila area shortly before martial law. After rebelling against Marcos in February 1986, Juan Ponce Enrile admitted that the ambush of his car, which Marcos claimed had precipitated the declaration of martial law, was faked.” [14]    

 

Higit sa lahat, ang personal na salaysay ni Primitivo Mijares sa kaniyang aklat na The Conjugal Dictatosrhip ukol sa kunwa-kunwaring ambush umano ni Enrile:

 

“The setting sun over Manila Bay gave a snugness to President Marco’s private study at Malacanang that ealy evening September 22, 1972. Marcos set serene in his study, glancing occasionally at the bevy of red telephone receiver sets, which linked his office to military camp all over the country.

X          X          X

Marcos pressed a button in his intercom, and when an aide responded to sa “Yes, sir” he commanded, “Get me Secretary Enrile.” Then, with this line to the communications room aide still open, Marcos muttered to himself, “ Masyadong mabagal ang mga taong ‘yan kung kalian pa naman kailangan magmadali”… Marcos ordered Enrile in the following manner “Sceretary Enrile? Where are you? You Have to do it now…yaya, the one we discussed this noon. We cannot postpone it any longer. Another day of delay may be too late.” Continueing his orders obviously after being interrupted with some remarks by Enrile, Marcos went on “ Make it look good, kailangan seguro ay may masaktan o kung mayroon mapatay ay mas mabuti…O hala cge, Johnny and be sure the story catches the “ Big News” and “Newswatch”… and call me as soon as it is over.”       

X          x          x

The terrible truth is that, after those series of bombings and violent demonstration, few people doubted other stories of escalating Communist activities, however implausible they may have seemed to leaders like Aquino and the skeptical newspapermen. Thus the people accepted with open arms the imposition of martial law as substitute for worsening conditions were being contrived by Marcos and his psychological war agents. The people were sick, tired and weary in the wake of those unsolved bombings, riots, ambushes, graft and corruption, inefficiency, and official chicanery.

X          X          X 

             Thus, the Enrile ambush had to be staged so that Aquino could be caged.” [15] 

 

Ang aklat na ito ay unang nailathala sa Amerika noong 1978, hindi pa man inaamin ni Enrile na peke nga ang ambush nyang iyon. Aaminin niya din ito matapos ang EDSA revolution. Ang sumulat na si Primitivo Mijares ay kailanmay hindi na nakita habang ang anak nitong si Boyet ay karumaldumal na pinatay.[16]                                                                                                                                          

Hindi ko naman sinasabi na mali lahat ng naisulat na kwento ukol sa buhay ni Juan Ponce Enrile. Ito pa nga ay maituturing na primaryang batis sapagkat personal niyang nakita at naranasan ang mga naisulat na pangyayari dito. Ngunit kung may mga pangyayari na hindi umaayon sa mga ibidensya at testimonya ng ibang tao, masasabi na natin na hindi siya nag sasabi ng totoo. Madali ang maniwala sa mga pahayag ng isang tao, ngunit  hindi rin natin maitatangi ang mga sirkumtansyal na ebidensya na sasalungat dito. Ang magkakasalungat na kolaborasyon ay isang seryosong suliranin na kinakaharap ng sino mang mang mag-aaral at nagsusulat ng kasaysayan.

Kamakaylan lamang ay mayroon nanamang pahayag si Enrile hinggil sa Batas Militar sa pamamagitan ng Facebook, isang social media apps na ay sinabi niya na:

            Sa isang radio program ng DZMM[17] ukol sa mga kakandidato hinggil sa napipintong halalan sa 2019, tinanong ni Pat Daza kung ano ang masabi nya hinggil sa mga hindi sumasang-ayon sa kaniyang mga pahayag hinggil sa Batas Militar. Aniya, may kani-kaniyang kwento ang mga tao sa Batas Militar, iyon daw ang kaniyang kwento at maaring mayroon ding iba. Bahala na raw ang mga manunulat ng kasaysayan sino ang pagbabasehan nila ng kwento.[18]

            Wala mang makapagpapahayag kung bakit binago niya ang nauna niyang kwento ay isang malaking suluranin sa pagggamit ng kaniyang talambuhay dahil pai-iba ito ng sinasabi. Maganda pa namang primaryang batis ang isang talambuhay lalo pa at may direkta siyang pagkakasaksi na naganap. Alam naman siguro niya bilang isang abugado na kapag ang isang saksi sa isang pangyayari ay paiba-iba ng sinasabi ay mahirap ng paniwalaan sa korte at sa kahit ano pa mang banda.

 

Solusyon

 

Sa isyu ng nawawalang apat na tomo ng Ratification Cases, ang kopya sa UP Main Library ang aking ginagamit at hindi ito pwedeng hiramin upang ilabas. Kailangan ng mahabang panahon sa aklatan at kumain ito ng oras. Nagtungo noon ako sa Korte Suprema sa pamamagitan ng kanilang Public Information Office at hiniling ko kung may may mga dokumento silang maibibigay hinggil sa mga kasong aking sinasaliksik. Nagbigay naman sila ilang mga impormasyon. Maari akong bumalik kung mayroon pa akong nais saliksikin. Ayon pa sa mga staff ay may ilalabas silang aklat na buong kasaysayan ng Korte Suprema.

Para sa mga nawawalang kopya ng microfilm sa serial section ng UP Main Library ay nagtungo ako sa Pambang Aklatan sa Kalaw, Manila. Bagamat mayroon silang ilang kopya ng mga dyaryo noong maga panahong kailangan ko, hindi parin ito sapat upang mapunan ang mga batis na kailangan ko. Ang kanilang website ay ituturo Karin sa UP Library pagdating sa microfilm collection ng mga pahayagan. Nagtungo ako sa Lopez Archives and Museum, na matatagpuan sa Ortigas, Lungsod ng Pasig. Bagamat mas mahal ang photocopy at may bayad na 300 pesos entrance fee ay nakita ko ang mga personal nilang koleksyon ng Manil Chronicle. Sa kasalukuyan ay binabalikbalikan ko ang mga kolekesyong ito para sa aking thesis. Malaki sanang ambag kung mayroong kopya ng mga nawawalang pahayagan.

            Ang Congressional Records naman ay nanatili paring hindi naipalimbag at kailanagn mong isa-isahin ang mga dokumento ng kanilang mga tala sa Legislative Archives ng House of Representative. Sa kasalukuyan ay nakaka ilang kahones na ako ng mga dokumento. Kaya sa tuwing mag footnote ako ay per kahon ang citation ko sama ang numero ng dokumento. (eg. Congressional Records. Journals. Unpublished. Shelf No. 38 Bay No.4 Kahon No.1 Folder 1-6. Legislative Archives Bureau. Quezon City. January 23-May 07, 1970.)

            Para sa iba-ibang pahayag ni Juan Ponce Enrile, ang pagkalap hindi lamang ng isang batis, bagkus ang pagtitipon nito at kalaunay pagtitimbang kung sino ang mas nagsasabi ng katotohanan ang mahalaga. Malaki ang naitulong ng aklat ni Agoncillo sa pag-aanalisa ng mga talumbuhay at dokumento ukol dito.[19] Ang katotohanan ay na ambush siya noong araw na iyon.  Kung titignan ang talaarawan ni Marcos noong Ika-22 ng Setyembre1972 isinalaysay ni Marcos na na-ambush nga ang kaniyang kalihim at aniya “This makes the martial law proclamation a necessity.”[20] Sa pahayag na ito, hindi maiaalis na ginawang isa sa mga rason ni Marcos ang ambush na ito upang ideklara ang batas military. Kung pagbabasehan ang mga naisulat napeke nga ang ambush at sa sinabi na rin ni Enrile noon, maari nating sabihin ginawa ang pekeng ambush para sa planadong deklarasyon ng batas militar.

 

 

Konklusyon

           

            Hindi biro ang magsulat ng kasaysayan lalo pa kung may problema sa pagkalap ng batis at depektibo sa mga dokumento o pahayag. Hindi rin biro ang pagsusulat hinggil sa panahon ng Batas Militar o sa institusyong gaya ng Korte Suprema. Kailangan ng mabusising pag-aanalisa sa mga dokumento at matyagang paghahanap sa mga ito. Ito ay tungkulin ng sinumang historyador, bahagi ng trabaho sa pinasok niyang larangan.

Ang kawalan at pagkawala ng mga batis sa mga nasabing aklatan ay hindi nangngahulugan pagpapabaya o pagkukulang ng mga institusyon, bagkus ito ay pakiwari may problema pagdating sa batis hinggil sa panahon ng Batas Militar. Ito ay seryosong problema na dapat tignan ng mga mag-aaral na dapat ay magsisilbing ambag sa pagsulat ng ating kasaysayan.

 

---------------------------------------------eduardsonmacorol12218--------------------------------------



[1] Halimbawa nito ay ang Una at Ikalawang kabanata ng aklat ni Teodoro Agoncillo na The Fateful Years: Japans Adventure in the Philippines, 1941-45 na inilathala ng University of the Philippines Press taong 1965.

 

 

[3] Sistemang ipinalit sa dating Card Catalog at ito ay ginagamitang ng computer at internet.

[4] Philippine Bill Passed. July 18, 1966. In Republic Acts and Resolutions, 6th Congress, First Regular Session. January 24, 1966-August 1966. House of Representative. Manila. 1966.

 

[5] Sa hindi naayon sa batas na Plebisto, naibalangkas at naipasa ang Saligang-Batas 1973. Ngunit magkakaroon lamang ng Batasang Pambansa anim na taon matapos ang ratipikasyon ng nasabing konstitusyon. 

[6] Mijares, Primitivo. The Conjugal Dictatorship of Ferdinand Marcos and Imelda Marcos. Revised and Annotated Edition. 2017. Buhaw Publishing and Ateneo De Manila Univesity Press.

[7] Serials in Microfilm. Media Services. The University Library. University of the Philippines Diliman. Quezon City. 2011.

[8] Interview. November 22 2018.

[9] Enrile, Juan Ponce. Ed Nelso Navarro. “Juan Ponce Enrile: A Memoirs” ABS-CBN Published . Quezon City. 2012. pp 150-151.

 

[10] Batas Militar: Martial Law in the Philippines. Documentary. Movement for World Wide People Power. 1997.

[11] Enrile, Juan Ponce . Ed Nelso Navarro. “Juan Ponce Enrile : A Memoirs” ABS-CBN Published . Quezon City. 2012. Pp 380-381.

[12] Fuller, Ken. A Movement Divided: Philippine Communism, 1957-1986. UP Press. p171.

[13] Date Line Manila: Foreign Correspondents Association of the Philippines.

[14] Thompson, Mark A. The Anti-Marcos Struggle: Personalistic Rule and Democratic Translation in the Philippines. New Day. Quezon City 1996. 

[15] See Mijares on Conjugal Dictatorship, pp 71-93.

[16] Batas Militar: Martial Law in the Philippines. Documentary. Movement for World Wide People Power. 1997.

[17] KHZ 6:30 Metro Manila located in ABS-CBN compound, Quezon City.

[18] Interview. Ikaw Na Ba? The DZZM Interview. DZZM 6:30. November 27, 2018.

[19] Ang isyu ay ang pag-aanalisa sa talambuhay ni Apolonario Mabini na La Revulucion Filipina mababasa sa aklat ni Ocampo, Ambeth. Talking History. De La Salle University Press. 1995 pp 46-47.

[20] The Philippine Project Diary. https://philippinediaryproject.wordpress.com// retrieved September21,2018

No comments:

Post a Comment